Napatunayan ko ang mga laws of Physics sa pagsakay sa MRT.
Naranasan ko ang mga pinag-aralan nina Newton at Einstein sa MRT.
Higit sa lahat, natuto ako ng maraming bagay sa pagsakay sa MRT.
Dito sa MRT kahit di ka gumalaw, mapapa-Tango o Boogie o Cancancan ka.
Subukan mong salubungin ang mga nasa likod mo at siguradong babalikan ka nila ng yakap (at halik) na tila baga kay tagal mo na silang hindi nakikita.
Daig pa ang mga nagmamahalang nagtatagpo sa airport matapos ang ilang taong pagkakahiwalay.
Kapag nakadaupang-palad mo na ang ibang pasahero sa MRT, madarama mo ang close family ties ng mga Filipino... close talaga tayo.
Sa MRT marami akong kwentong narinig.
Mas marami at mas magaganda kumpara sa kwentuhang jeepney o kwentong barbero.
Normal na ang kwentuhang barkada o magkakatrabaho. Pero may ilang kwentong-MRT na talagang hindi ko malilimutan.
Doon ko narinig ang ilang makabagbag-damdaming kwento na kung tutuusin ay pupwedeng ipalabas sa MMK o Magpakailanman.
Minsan narinig ko ang isang ama na nagkukwento sa katabi. Hindi ko alam kung katrabaho niya yung isang mama o kung kilala ba nya sya. Basta nagkwento sya.
Narinig ko na lang ang madramang buhay ng kadikit na mama nang ibahagi nya sa katabi na gustung-gusto nyang makasama ang kanyang pamilya. Gusto nyang makapag-bakasyon sila at makalabas ng Maynila kahit panandalian lamang.
Walang iniintinding problema. Walang cellphone na mang-aabala sa pagsasaya nila. Walang trabaho na mambubwisit sa kanila. Walang panggulo.
Maraming buhay ang dinadala ng MRT sa araw-araw... at nakasama ako roon.
Sa sobrang dami ay halos iisa na kami sa loob. Magkakadikit. Magkakapahirang-pawis. Magkakaramay sa init at lamig, sa pagka-stranded, sa pagtutulakan at paggigitgitan, at sa mabilis at maluwag na byahe--umaga man o gabi.
Sa MRT ko lalong nadama ang pagiging isa ko sa masa, bukod syempre sa pagsakay sa iba pang public utility vehicle gaya ng ordinary bus ng Baliwag Transit.
Nakita ko ang pagka-sosyal ng mga nagtatrabaho sa Makati ngunit kumakain sa jollijeep.
Nakita ko ang yaman ng mga college graduates ng bansa na alam mong may probinsyang pinanggalingan dahil sa punto ng pagsasalita.
Nakita ko ang kakaibang atmospera ng Pilipinas sa mga taong nakasakay ko na at talagang hindi mo maipagkakailang Pinoy ito at Pinoy nga!
Sa MRT, maraming kwento, maraming karanasan.
Kahit paulit-ulit, hindi nakakasawa.
Kahit hirap, may sarap din naman sa dulo ng mga riles o sa pagdating sa destinasyon.
Kahit alam mong may patutunguhan ka, hindi mo naman sigurado kung hanggang kailan ka sa loob.
Kahit masikip sa kadalasan, isa ka naman sa mga kauri at kababayan mo.
Kahit pilit, alam mong andyan ka. Nakasakay na at papalapit na sa iyong pupuntahan.
Sa MRT, sakay na.
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment